Away Bell pasikat sa Juvenile Fillies race
MANILA, Philippines — Hindi binigo ng Away Bell ang mga tagahanga nito matapos nitong sikwatin ang korona sa Congresswoman Karen T. Javier 2-Year-Old Juvenila Filllies na nilarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas kahapon.
Mabilis na lumabas ng aparato ang Away Bell na sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the year awardee Jonathan Basco Hernandez upang hawakan ang bandera subalit hindi ito hinayaan ng Legit Outlaw na makalayo kaya nakakapit ito sa kaagahan ng karera.
Todo lutsa ang Legit Outlaw sa Away Bell kaya halos magkapanabayan sila sa kalagitnaan ng karera, nasa likuran nila na may dalawang kabayo ang agwat na Highway Star.
Subalit pagdating ng far turn ay unti-unti ng lumalayo ang Away Bell at pagsapit sa huling kurbada ay may isang kabayo na ang lamang nito sa Legit Outlaw at Highway Star.
Umunat ang Away Bell sa rektahan umabot na sa tatlong kabayo ang lamang nito sa pumangalawang Highway Star habang nauupos sa tersero puwesto ang Legit Outlaw.
Tinawid ng Away Bell ang meta ng may apat na kabayong abante sa sumegundong Star Power, tersero ang Highway Star habang pumang-apat ang Legit Outlaw.
Nirehistro ng Away Bell ang tiyempong 1:29 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng Bell Racing Stable ang P600,000 premyo, mapupunta sa Star Power ang P225,00 habang P125,000 at P50,000 ang third at fourth placers na Highway Star at Legit Outlaw, ayon sa pagkakasunod.
- Latest

















