Mga butas sa border security buking
Backdoor scheme, nahuling mga dayuhan
MANILA, Philippines — Muling nabunyag ang kahinaan ng border security ng Pilipinas kasunod ng repatriation ng 11 Pilipinong manggagawa mula sa Malaysia at pag-aresto sa 10 dayuhan sa Siargao.
Ayon sa ilang mambabatas, matagal nang may babala hinggil sa mga butas sa seguridad na maaaring magamit sa human trafficking, terorismo, smuggling, at iba pang transnational crimes.
Sinabi naman ng Bureau of Immigration (BI), anim sa kanila ang dumaan sa ilegal na “backdoor” route upang makapagtrabaho sa ibang bansa. Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na patuloy na nabibiktima ang mga Pilipino ng illegal recruiters na umiiwas sa tamang proseso ng pag-alis ng bansa. Dahil dito, muling isinusulong sa Kongreso ang modernisasyon ng BI.
Kaugnay nito, nire-review ng BI ang P10.74-bilyong Civil Aviation and Immigration Security Services (CAISS) Project na sasaklaw sa 11 paliparan.
Sa ilalim ng panukala, popondohan ang modernisasyon ng border security sa pamamagitan ng “user-pays” scheme, kung saan magbabayad ang mga biyahero ng humigit-kumulang $4 o nasa P240 kada pagpasok o paglabas ng bansa.
- Latest





















