Three-leg PVL AFC sisimulan sa Cebu
MANILA, Philippines — Ilulunsad ng Premier Volleyball League (PVL) ang three-leg All-Filipino Conference na tatampukan ng Siklab, Sigla at Sinag series ngayon sa SM Seaside Cebu Arena.
Papagitna ang banggaan ng Creamline at Akari sa alas-6 ng gabi, habang bubuksan ng Capital1 Solar Energy at Choco Mucho ang Siklab leg sa ala-1 ng hapon.
Sa bagong All-Filipino Conference format, hahatiin ang PVL All-Filipino Conference sa tatlong serye: Siklab, Sigla at Sinag.
Ang bawat leg ay may sariling champion, habang ang standings points mula sa unang dalawang serye ay magiging mahalaga para sa Philippine Grand Championship.
Isasalang ng Cool Smashers ang mga nagbabalik na sina Alas Pilipinas members Jia De Guzman at Bernadeth Pons kasama sina Alyssa Valdez, Jema Galanza, Tots Carlos, Pangs Panaga, Bea de Leon at Michele Gumabao.
Hindi naglaro sina De Guzman at Pons sa nakaraang kampanya ng 11-time champions sa PVL On Tour at Invitational Conference na pinagreynahan ng ESL Cola ng Thailand.
“We’re just taking it day by day, sticking to Coach Sherwin’s system, trying to be better every day, making our chemistry and connections stronger with each other, especially with the new players coming in,” ani De Guzman, miyembro ng Alas Pilipinas indoor volleyball team na tumapos sa ninth place sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Katambal naman ni Pons si Sisi Rondina ng Choco Mucho na maagang nasibak sa Aichi-Nagoya Asiad beach volleyball tourament.
Itatapat ng Chargers sina Ivy Lacsina, Grethcel Soltones, Eli Soyud, Mylene Paat at Alas Pilipinas members Mars Alba at Justine Jazareno.
- Latest




















