Suklam (127)
NAPANSIN ni Brent na wala sa family picture ang papa ni Leah. Wala rin ito sa iba pang picture na naka-frame at naka-hang sa wall. Baka naman ginawa ang family picture noong wala na o patay na ang papa ni Leah. Posible. Hindi niya tuloy nakita ang itsura ng papa ni Leah.
Maya-maya, lumapit na si Leah dala ang ikalawang rounds ng kape na ni-request ni Brent.
Inilapag ni Leah ang tasa ng kape. Umuusok. Ang sarap ng samyo ng aroma.
“Salamat po sa pagsisilbi ng kape,’’ sabi ni Brent.
“Wala pong anuman.’’
Dinampot ni Brent ang tasa ng kape at dahan-dahang ininom.
“Mainit Brent!’’
“Kaya nga dahan-dahan ang paghigop ko, ha-ha-ha. Sarap kasi ng kape mo. Paanong ginawa mo rito.’’
“Wala. Sa coffee maker ko ginawa.’’
“Sarap e. Siguro ‘yung gumawa e masarap magmahal.’’
Umirap si Leah.
“Makatulog ka kaya mamaya sa dami ng nainom mong kape?’’ sabi nito pagkaraan.
“Oo naman. Sanay akong uminom ng kape. Kahit nga mainit ang panahon, nagkakape ako.’’
“Sabagay anti-oxidant daw ang kape.’’
“Oo nga raw. Nilalabanan daw ang ilang sakit.’’
“Nakakailang tasa ka ng kape?’’
“Apat lang.’’
“Konti lang pala, he-he-he!’’
“Siyanga pala Leah, ba’t wala sa family picture ang papa mo?’’
Natigilan si Leah sa tanong.
Itutuloy
- Latest