Chinese nationals na may Philippine passport ‘di tatanggapin ng China kapag idineport
MANILA, Philippines — Hindi na umano tatanggapin ng China ang mga Chinese nationals na kumuha ng Philippine passport kahit pa i-deport ang mga ito, ayon kay Atty. Raymond Fortun, abogado ni Tony Yang na iniuugnay sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa panayam kay Fortun bago magsimula ang pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros, sinabi ni Fortun na magkakaroon ng problema sa pagpapa-deport ng mga Chinese na kumuha na ng pasaporte ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Fortun na kung dalawa ang pasaporte ng isang Chinese national, lumalabas na isinantabi na nito ang kanyang nationality bilang Chinese kaya hindi na ito maaaaring ipa-deport sa China base sa nakausap niya sa Bureau of Immigration.
“May problem tayo diyan because ang understanding ko I just spoke with somebody from the BID ‘yung Chinese embassy ‘pag mayroon kang ganoong klaseng paper, lumalabas na dalawa ang passport mo, meaning you acquired citizenship with another nationality effectively na i- extinguished ‘yung iyong nationality as Chinese,” ani Fortun.
Sa tanong na kung magiging “stateless” o tuluyang mawawalan ng nationality ang mga nasabing indibiduwal dahil hindi naman sila maaaring ituring na mga Filipino, sinabi ni Fortun na isa itong problema.
Ipinaliwanag pa ni Fortun na hindi maaaring dalawa ang pasaporte ng isang Chinese national dahil wala naman silang “rule” tungkol sa dual citizenship kaya ire-reject lang sila ng China.
“Tayo puwede ‘yung dual because we have ano we have rules on that. Puwede ‘yung dual. You can hold two passports pero sa China my understanding is they will be rejected if they are going to be returned to China,” ani Fortun.
Inamin ni Fortun na bagaman at Chinese, may hawak na Philippine passport ang kanyang kliyente na kapatid ni Michael Yang na dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa Pharmally scandal.
- Latest