Pangulong Marcos ‘di ko kaibigan – VP Sara
MANILA, Philippines — “Hindi ko kaibigan si PBBM!”
Ito ang walang pasubaling tinuran ni Vice President Sara Duterte nang matanong kung may tsansa pa ang rekonsilasyon sa pagitan nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ambush interview matapos ang pagdalo nito sa motu propio na imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni VP Duterte na kailanman ay hindi sila naging magkaibigan ni PBBM.
“Never, hindi kami naging magkaibigan (PBBM),“ tugon ni VP Sara sa tanong ng mga reporters.
“Hindi naman kasi kami talaga nagkausap n’yan, hindi kami magkaibigan unang-una. Nagkakilala lang kami dahil mag-running mate kami,” pahayag pa ni VP Duterte.
“Bago pa man kami naging running mate, hindi na kami nag-uusap. Nagkausap lang kami during campaign at saka sa trabaho noon,” dagdag niya.
Sa katunayan, ayon kay VP Duterte, ay tanging si Sen. Imee Marcos na kapatid ni PBBM ang talagang kaibigan niya simula pa noong 2012.
“Ang kaibigan ko talaga si Senator Imee Marcos, kilala niya ako since 2012,” wika ni Sara na tinutukoy ang presidential sister.
“Let’s sit down”, tugon naman ni VP Sara nang matanong kung sa palagay niya ay si PBBM ang nasa likod ng sinasabi nitong pulitikal na pag-atake laban sa kaniyang pagkatao at integridad.
Sa halip sinabi pa nito, na ginagawa umano ito ng mga mambabatas ng administrasyon laban sa kaniya upang isulong ang kaniyang impeachment at upang humina ang kaniyang tsansa sa pagtakbo sa 2028 national elections.
Sinabi ni Duterte na huli niyang nakausap ang Pangulo noong Hunyo nang magtungo siya sa Malacañang upang isumite ang kanyang resignation bilang Department of Education (DepEd) secretary.
Opisyal siyang umalis sa Gabinete noong Hulyo 19 at mula noon ay hayagan niyang binatikos ang administrasyong Marcos.
Si PBBM at VP Duterte ay tumakbo sa ilalim ng Team Unity noong 2022 na kung saan nakakuha ng higit 31 milyong boto ang una at higit 32 milyon naman ang huli.
- Latest