NLEX unang sumampa sa quarterfinals

MANILA, Philippines — Ginawang praktis lamang ng NLEX ang kanilang laro ng guest team Macau matapos iposte ang 138-78 panalo papasok sa quarterfinals ng Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Ang 60-point winning margin ang sumapaw sa league record na 56 para sa biggest winning margin nang gibain ng Rain or Shine ang Blackwater, 151-95, noong Marso 31 sa isang Commissioner’s Cup game.
Pakitang-gilas kaagad si bagong import Deonte Burton matapos humakot ng 22 points, 14 rebounds, walong assists, anim na steals at dalawang blocks para itaas ang baraha ng Road Warriors sa 8-2 at pamunuan ang Group A.
Kumamada si Schonny Winston ng 25 points, habang may 14 at tig-10 markers sina Robert Bolick, Tony Semerad, Kevin Alas at LJ Gonzales, ayon sa pagkakasunod.
“After tonight we have two games left before the quarterfinals,” ani head coach Jimmy Alapag. “Even though you know obviously in the other group it could by anybody.”
Lagapak ang Giant Pandas sa ikatlong sunod na kamalasan para sa 2-7 marka.
Bukod sa impresibong laro ni Burton ay sinamantala rin ng NLEX ang pagkawala sa Macau bench nina coach Marcus Elliot, import De’Vondre Perry, Damian Chongqui, Ramon Cao at Jenning Leung.
Sina Chongqui, Leung at Cao ay pumirma sa ibang EASL team.
Kaagad kinuha ng Road Warriors ang 13-2 abante na kanilang pinalobo sa 30-8 mula sa follow-up ni Burton sa 5:30 minuto ng first period.
Bahagyang nakadikit ang Giant Pandas sa pagtatapos nito, 23-38, ngunit muling naibaon sa 30-54 sa 6:20 minuto bago ang halftime.
Hindi na nagpapigil ang NLEX sa third period nang ilista ang 91-48 bentahe galing sa basket ni Winston, umiksor ng 16 points sa first half, sa 6:12 minuto nito.
- Latest















