Bounce back win ng Bulldogs kontra Falcons
MANILA, Philippines — Bumawi kaagad ang National University mula sa kanilang nakaraang talo matapos lapain ang Adamson University, 85-66, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mainit na sinimulan ng Bulldogs ang laro at pinigilan nila ang lahat ng tangkang paghabol ng Falcons para irehistro ang 3-2 karta at manatili sa top four sa team standings.
Pero para kay NU head coach Jeff Napa, hindi pa siya kuntento sa ipinakitang laro ng kanyang mga bataan.
“It’s a good response coming from a loss to Ateneo pero medyo subpar pa rin ‘yung performance kasi nga we gave 13 three points sa Adamson. We need to address that para coming to Saturday’s game, ma-correct namin ang mga sarili namin,” sabi ni Napa.
Humarurot ang Bulldogs ng 29-4 run kung saan umiskor si PJ Palacielo ng 10 points sa kalagitnaan ng kanilang ratsada upang makaipon ng malaking bentahe sa first quarter.
Nagpatuloy ang pananalasa ng NU para itarak ang 50-35 halftime lead.
Nagpakita ng lakas ang Falcons at naibaba ang kalamangan sa anim na puntos sa third quarter matapos ang magkasunod na buslo ni Kenji Cañete na nagdala sa iskor sa 58-52.
Ngunit nanatiling buo ang loob ng Bulldogs at muling nakalayo sa 52-64 papasok ng fourth period.
Sa payoff period ay hindi na nakadikit ang Adamson na laglag sa pangalawang talo.
- Latest















