Bagong imports bibida sa Gov’s Cup
MANILA, Philippines — Bagong pambato ang ipaparada ng mga koponan sa inaabangang pagbabalik-aksyon ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium.
Lagpas dalawang buwan natengga ang PBA dahil sa dalawang bigating kampanya ng Gilas Pilipinas subalit giyera na ulit ngayon simula sa bakbakan ng lider na NLEX kontra sa Macau sa alas 5:15 ng hapon na susundan ng duwelo sa pagitan ng reigning champion TNT Tropang 5G at Terrafirma sa alas-7:30 ng gabi.
Bago matigil ang PBA upang magbigay-daan sa 20th Asian Games sa Japan at fourth window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers na ginanap sa Pinas ay katabla ng Road Warriors ang San Miguel Beer sa tuktok ng Group A hawak ang 7-2 kartada.
Segunda sa kulelat ng grupo ang Macau sa 2-6 marka, habang magkabunutan naman sa ikaapat at ika-limang puwesto ang TNT at Terrafirma bitbit ang 4-4 at 3-5 na baraha, ayon sa pagkakasunod.
At upang maipagpatuloy ang ragasa ay sasandal ang NLEX sa bagong import na si Deone Burton kapalit ni DeQuan Jones na nagtamo ng leg injury bago ang PBA break.
Kaharap niya ang bago ring reinforcement ng Giant Pandas na si Oscar Lopez kapalit ni De’Vondre Perry.
Sa kabilang sagupaan, isasalang ng TNT ang bagong pambato na si Nick Hornsby bilang ikatlong import para sa misyong malalakas ang tsansa na ma depensahan ang korona.
Nagkasya lang sa 2-2 kartada ang Tropang 5G kasama ang unang import na si Darius Days at 2-2 rin kaakibat si Rahlil Hollis-Jefferson, kapatid ni resident import Rondae Hollis-Jefferson.
Umaasa ang TNT na puwede na uling makalaro sa quarterfinals ang three-time PBA Best Import at three-time champion na si RHJ matapos ang halos isang taong pagpapagaling mula sa masaklap na Achilles injury.
- Latest




















