Yulo tatanggap ng P4 milyon bonus

MANILA, Philippines — Tumataginting na P4 milyon ang nakaabang na cash incentives para kay Carlos Yulo matapos masungkit ang dalawang gintong medalya sa 2026 Asian Games na ginaganap sa Nagoya, Japan.
Base sa Republic Act No. 10699 o mas kilala sa tawag na National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, tatanggap ang mga gold medalist sa Asian Games ng P2 milyon.
May P1 milyon naman ang silver medalist at P400,000 naman sa bronze medalist para sa mga individual winners.
Maningning na tinapos ni Yulo ang kampanya nito matapos pagharian ang kanyang paboritong events na floor exercise at vault sa men’s artistic gymnastics ng quadrennial meet.
Ito rin ang parehong events na napanalunan ni Yulo noong 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Kaya naman nakumpleto na ni Yulo ang magwagi ng gintong medalya sa Big 5 tournaments — sa Olympic Games, Asian Games, Southeast Asian Games, Asian Championships at World Championships.
Inaasahang madaragdagan pa ang insentibo ni Yulo dahil posibleng magdagdag pa si si President Bongbong Marcos.
Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick Gregorio, posibleng doblehin ni Marcos ang insentibo kaya aangat sa P8 milyon ang iuuwi ni Yulo.
Posibleng magdagdag din ng insentibo ang Philippine Olympic Committee (POC).
Maliban sa dalawang ginto ni Yulo, nasa kaban na ng Team Philippines ang dalawang pilak at anim na tansong medalya.
Nakasiguro ng pilak si Jean Claude Saclag sa mixed martial arts habang pilak din ang women’s 3x3 nina Kaycey Dela Rosa, Maria Pasilang, Kennan Ka at Amyah Espanol.
Nakatanso naman ang Pinoy athletes sa women’s kata team nina Emmanuelle Veguillas, Ysabielle Arrogante at Rebecca Cyril Torres gayundin ang women’s soft tennis team nina Princess Catindig, Bien Zoleta, Hilary Paas, Shyryn Salazar at Christy Sañosa.
May tanso rin sina Carlos Alvarez ng MMA, Marie June Adriano ng karate, Eldrew Yulo ng gymnastics at Albert Ian Delos Santos ng weightlifting.
- Latest

















