EDITORYAL - Panibagong karahasan sa paaralan
MAY suhestiyon ang Philippine National Police (PNP) na tuluyan nang ipagbawal ang gadgets sa mga paaralan. Ang suhestiyon ay lumutang matapos ang panibagong school shooting sa Banga National High School sa South Cotabato noong Biyernes kung saan tatlong estudyante (1 babae at 2 lalaki) ang namatay kabilang ang suspect. Naganap ang pamamaril dakong 1:30 ng hapon.
Ayon kay Banga town mayor ?Albert Palencia, walong estudyante ang nasugatan at apat ang nasa kritikal na kalagayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na may mga kaklase umanong nabigyan ng babala bago ang pamamaril. Subalit hindi ito sineryoso dahil inakala nilang biro lamang ang banta. Ayon sa pulisya, ang baril na ginamit ay pag-aari umano ng ama ng teenager at nakuha mula sa vault sa kanilang bahay.
Ang suhestiyon ng PNP na ipagbawal ang gadget ay maaring gawin pero hindi dapat isipin na sapat na ang gadget ban para maging ligtas ang mga estudyante sa karahasan.
Inirekomenda rin ng PNP ang paggamit ng barangay tanod bilang dagdag na security force, at iba pang hakbang para palakasin ang kaligtasan sa mga paaralan. Ayon sa mayor, may mahigit 3,000 estudyante ang paaralan ngunit iisa lamang ang security guard, ayon sa mayor.
Maraming bahagi ang nararapat ayusin nang sabay-sabay kaugnay sa pangyayari. Puwedeng higpitan ang paggamit ng cell phone at bantayan ang harmful online content.
Iniimbestigahan din kung may impluwensiya ang online groups sa shooter, pero hindi pa ito napapatunayang dahilan ng insidente.
Kaya hindi dapat dito lamang umikot ang solusyon.
Kailangan nang mas maayos na sistema para mai-report agad ang threats at warning signs. Kailangan ng sapat na security personnel, mas malinaw na coordination sa pagitan ng schools, parents, barangay at police, at mas responsableng pag-iingat ng mga baril sa bahay.
Mismong si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang umaming hindi sapat ang paghahanda ng education sector sa ganitong uri ng school shooting at may kakulangan pa sa fencing at security personnel sa mga paaralan.
Kung seryoso ang pamahalaan na pigilan ang susunod na trahedya, kailangang bantayan hindi lamang ang gadgets na hawak ng mga bata, kundi pati na rin ang mga babalang nakikita bago pa mangyari ang malagim na insidente.
- Latest
















