Bela, bilyonaryo ang karelasyon!

Kinalkal ng ilang source ang koneksyon ng jowa ni Bela Padilla na si Martin Tan kay Lorenzo Villanueva Tan na kilalang “Mr. Turnaround sa banking industry.
At ang nadiskubre nila, ito nga ang only son ng banker na sinasabi nilang walang katapusan ang mga tagumpay, simula noong 1998 nang siya ang naging pinakabatang presidente ng isang universal bank sa bansa sa edad na 37.
Out in the bag na nga ang relasyon ni Bela sa tech entrepreneur and CEO na si Martin Tan.
At inamin nila ito sa pamamagitan ng isang casual interview sa isang content creator na nag-iikot sa iba’t ibang lugar na couple sila habang nasa Sunday Market sila sa Legazpi Village.
Ito ang first time nilang kinunfirm ang kanilang relationship.
Dumating ang kumpirmasyong ito matapos makitang magkasama ang dalawa nang ilang beses nitong mga nakaraang buwan, na naging basehan ng mga speculation na hindi lang sila basta magkaibigan.
Matatandaang sa premiere ng palabas pa ring pelikula ni Bela, pabiro pang umiwas si Bela sa mga tanong tungkol sa kanyang love life sa pagsasabing, “Jowa reveal? Wala pa!”
Nagbiro rin siya noon na kailangan ng kanyang susunod na boyfriend ang aprroval ng kanyang co-star na si Maricel Soriano.
Pero lumabas na walong buwan na pala ang relasyon ni Bela noong ibinigay niya ang sagot na “wala pa.”
May ex wife at anak na rin si Martin Tan na galing sa isa sa pinakamayamang pamilya sa Pilipinas na ang mga negosyo ay nakaba-base sa Singapore.
Game ni Alex sa ‘Pinas, hanggang P64,000 ang presyuhan ng ticket
Pang mayaman pala ang presyuhan ng ticket sa Alex Eala Live: Game. Set. Celebrate na gaganapin sa December 8, 2026, sa Philippine Arena sa Bulacan.
Ayon sa press release na kumalat sa social media, ipagdiriwang ng event na ito ang matagumpay na season ni Alex sa pamamagitan ng isang exhibition match na dadaluhan ng mga celebrity tulad nina Manny Pacquiao, Anne Curtis, Piolo Pascual, Julia Barretto, Donny Pangilinan, at Andrea Brillantes, kasama ang kanyang main match laban kay Janice Tjen ng Indonesia.
Nag-umpisa na kahapon ang bentahan ng mga tiket sa TicketWorld, na diumano’y nagkakahalaga nga ng mula PHP 618 hanggang PHP 63,705.50 para sa mga premium package na may kasamang gala dinner.
Maraming natuwa at maraming mga showbiz personality na kasama sa nasabing event, pero may mga pakiusap at panawagan din naman na dapat ding bigyang-pansin ang iba pang mga batang may potential sa tennis upang mas mapalago ang nasabing sport kesa samahan ito ng mga celebrity.
Isa pang tanong nila, show ba ito or may rampahan ba at kailangan maraming celebrity?
Angela, si Nadine ang peg
Unstoppable si Angela Muji na ngayon ay nagbabalik sa singing roots via her latest single, Is It Over, under Ivory Music.
Kilala sa kanyang role sa ongoing Viva One hit series na Dating Alys Perez, patuloy na tinatamasa ni Angela ang career milestone bilang actress habang hindi kinakalimutan ang kanyang passion for music.
At aminado siyang si Nadine Lustre ang peg niya pagdating sa pagkanta although si Sarah Geronimo raw ang idolo niya since five years old siya.
Sinabi rin niyang hirap siyang mamili between acting and singing dahil mahal niya ito pareho. Pero feel niyang nakakalamang ang acting dahil gaya sa singing nai-express niya ang sarili sa facial expression at emosyong involved sa mga eksena kaya naman napupuri rin ang acting niya particular na dito sa Dating Alys Perez.
At plano raw niya talagang i-explore pa ang music career niya sa pamamagitan ng mga kantang tulad ng Paligoy-ligoy ni Nadine o Kakaibabe ni Donnalyn Bartolome.
Ang kanyang latest release ay dagdag sa growing list ng musical endeavors niya na nagsimula noong naging bahagi siya ng P-Pop Generation taong 2019.
Nang sumabak siya sa acting, nagkaroon si Angela ng supporting roles sa Chasing in the Wild at Ang Mutya ng Section E bago naging bida sa Seducing Drake Palma last year.
Dito na nag-umpisa ang popular onscreen pairing nila ni Rabin Angeles - kilalang RabGel.
Dahil sa tagumpay ng kanilang tandem, nagkaroon ng sunud-sunod na partnership ang dalawa, kabilang ang kanilang film debut sa A Werewolf Boy.
Bumida rin sila sa anthology series na Viva One Presents: RabGel, kung saan nabigyan sila ng chance na mag-explore ng iba’t ibang stories and characters habang lutang ang kanilang chemistry.
Sa kasalukuyan laging trending ang Dating Alys Perez.
Anyway, sa pamamagitan ng Is It Over, muling ipinapakita ni Angela sa mga fans ang artist behind the actress at nagsisilbi itong panibagong chapter sa kanyang journey sa music at entertainment.
The art of breaking up tinambakan ng artista!
Muling nagsanib-puwersa ang ABS-CBN Teatro Kapamilya at Philippine Educational Theater Association (PETA) para sa kanilang pinakabagong handog na The Art of Breaking Up, isang dulang pinagbibidahan ng mga premyadong artista, batikang theater actors, at mga bagong mukha na susubok sa mundo ng teatro.
Kabilang sa powerhouse cast sina Jake Cuenca, Janella Salvador, Yen Santos, Nikki Valdez, Teroy Guzman, Bibeth Orteza, Carlitos Siguion-Reyna, Ruby Ruiz, Brent Manalo, JC Alcantara, Anna Luna, Dingdong Bahan, Analain Salvador, Jel Tarun, Yesh Burce, Jude Hinumdum, Meann Espinosa, at AJ Sison pati na ang featured vocalists na sina Jarren Garcia at Kolette Madelo.
Sa ginanap na media conference ng produksiyon, nagbigay ang cast ng paunang pasilip sa dula sa pamamagitan ng mga monologue na nagbigay ng ideya sa mga karakter na kanilang gagampanan sa entablado.
Ibinahagi nina Jake, Janella, Yen, at ilan pang miyembro ng cast ang kanilang excitement na makatrabaho ang ilan sa pinakamahuhusay na theater actors sa bansa.
Ayon sa kanila, malaking oportunidad ang The Art of Breaking Up upang matuto mula sa batikang theater actors at mas mapalawak pa ang kanilang kakayahan bilang mga artista.
Para naman kay director Dudz Teraña, parehong exciting at challenging ang pagbuo ng The Art of Breaking Up, lalo na sa pagsasama-sama ng mga artistang mula sa iba’t ibang larangan at may magkakaibang karanasan. Aniya, ipinapakita ng dula na magkakaiba ang paraan ng bawat tao sa pagharap at pagbangon mula sa isang hiwalayan.
Samantala, naniniwala sina Bibeth, Carlitos, Ruby, at Nikki na madaling makaka-relate ang mga manonood sa kuwento dahil sumasalamin ito sa iba’t ibang mukha ng pag-ibig, paghihiwalay, at paghilom.
Hango sa kilalang akda ni George de Jesus III na Kung Paano Maghiwalay, sinusundan ng The Art of Breaking Up ang magkakaugnay na kuwento ng iba’t ibang magkapareha habang hinaharap nila ang saya, sakit, at mga hamon ng pag-ibig at pakikipagrelasyon. Inihahatid din ng dula ang tapat na paglalarawan sa iba’t ibang paraan ng pagharap sa kabiguan, paghilom, panibagong simula.
Magsisimula ang The Art of Breaking sa Nobyembre 6 hanggang Disyembre 6. Available na ang tickets sa TicketWorld.
- Latest
























