Solon sa DOLE: Ipagtanggol dagdag-sahod

MANILA, Philippines — Nanawagan si TRABAHO Party-List Congw. Atty. Johanne Bautista sa Department of Labor and Employment (DOLE), National Wages and Productivity Commission (NWPC), at Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB-NCR) na ipagtanggol at panindigan sa korte ang legal at ekonomikong bisa ng Wage Order No. NCR-27.
Ayon kay Bautista, ang dagdag-sahod na ipinagkaloob sa mga manggagawa sa Metro Manila ay resulta ng konsultasyon sa pagitan ng mga manggagawa, mga employer, at pamahalaan sa pamamagitan ng tripartite wage determination process na nakasaad sa batas.
Malinaw aniya ang proseso para sa pagsusuri ng mga wage order. Ipinagkaloob ng batas sa NWPC ang kapangyarihang dinggin ang mga apela laban sa desisyon ng RTWPB, at tahasang ipinagbawal sa anumang korte ang pagpapalabas ng injunction o temporary restraining order (TRO) laban sa anumang pagdinig o proseso ng NWPC o RTWPB.
Dagdag pa ni Bautista, nananatiling nakatuon ang TRABAHO Party-List sa paggamit ng lahat ng pamamaraang administratibo, legal, at lehislatibo upang ipagtanggol ang nararapat na pagsasaayos ng sahod ng mga minimum wage earner. Habang iginagalang ang proseso ng batas, patuloy din nilang isusulong ang mga praktikal na solusyon na magpoprotekta sa trabaho at magtataguyod ng makatarungang pasahod.
- Latest


















