Katotohanan ilantad sa VP Sara trial!

Sigaw ng Simbahan
MANILA, Philippines — Nag-alay ng Banal na Misa ang mga miyembro ng simbahan nitong Huwebes para sa House impeachment prosecution team, na nananawagan sa mga taga-usig sa kaso laban kay Vice Pres. Sara Duterte na iharap ang ebidensya nang may tapang, linaw, at katapatan sa katotohanan.
Idinaos ang Misa alas-9 ng umaga sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral of Cubao sa Quezon City. Pinangunahan ito ng Clergy for Good Governance bilang pakikiisa sa prosecution team bago ang paglilitis sa impeachment trial sa Hulyo 6.
Dumalo ang anim na public prosecutors na pinamunuan ni House Lead Prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, kasama sina Rep. Joel Chua, Rep. Leila de Lima, Rep. Lorenz Defensor, Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, at Rep. Ysabel Maria “Bel” Zamora. Nakiisa rin ang pribadong taga-usig na si Atty. Lorna Kapunan at iba pang private prosecutors. Si Fr. Bong Sarabia, CM ang nagsilbing pangunahing tagapagdiwang, habang si Msgr. Mel David ng Parañaque ang nagbigay ng homiliya.
Sa kanyang homiliya, inilarawan ni David ang paglilitis sa Hulyo 6 bilang sandali ng pambansang pagtutuos.
“Ang sambayanang Pilipino ay nakatingin sa Hulyo 6 bilang pagkakataon para ang buong sambayanan ay bumangon at maglakad,” ani David.
Binigyang-diin niya sa mga taga-usig na ang kanilang tungkulin ay higit pa sa mga argumento sa hukuman.
Aniya, pasan nila ang responsibilidad na tulungan ang bansa na harapin ang katotohanan matapos ang mga taon ng pagkadismaya ng publiko sa maling paggamit ng pondo, kuwestiyonableng praktika sa badyet, at patronage-driven na mga programang kontra-kahirapan.
Binanggit ni David ang babala ng mga obispo hinggil sa “nakakahiya at iskandalosong maling paggamit ng pondo at yaman ng bayan,” gayundin ang “kuwestiyonableng insertions, cuts, at adjustments sa pambansang badyet,” na aniya’y malinaw pa rin sa sambayanan.
Inihalintulad niya ang papel ng mga taga-usig sa paglilinis ng maruming tubig upang lumitaw ang nakatagong katotohanan.
Hinimok niya ang mga taga-usig na huwag umasa sa kapangyarihan, posisyon, o palakpak ng publiko, kundi sa pananampalataya at konsensya.
“Kailangan ninyong humugot ng tapang hindi mula sa lipunan, kundi mula sa Diyos,” dagdag pa niya.
Dagdag ni David, higit pa sa husay sa batas ang kailangan sa tungkulin.
Ipinahayag din niya ang pag-asa na ang malinaw at tapat na presentasyon ng ebidensya ay magtutulak sa mga senador-hukom na magpasya ayon sa katotohanan.
- Latest

















