Bomb threat, deadly weapon sa iskul ‘critical offense’ - DepEd

MANILA, Philippines — Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) na ang mga bomb threat at pagdadala ng mga nakamamatay na armas sa loob ng paaralan ay kabilang sa mga critical offenses na may kaakibat na matinding disciplinary penalties.
Ayon sa DepEd, bahagi ito ng School Safety Campaign ni Education Secretary Sonny Angara upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa gitna ng tumitinding security challenges. “Hindi natin papayagan ang anumang banta sa kaligtasan ng ating mga estudyante. Responsibilidad nating lahat na panatilihing ligtas at payapa ang mga paaralan,” ani Angara.
Batay sa DepEd Order No. 006, s. 2026 o Guidelines Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE), ang bomb threats, jokes, at pagdadala ng deadly weapons ay ikinokonsiderang third-level offense na may pinakamataas na disciplinary classification.
Ang mga parusa sa bawat antas ng offense ay ikinategorya bilang:
First-level offenses – maliliit na paglabag gaya ng pagmumura, simpleng paninira, at maling impormasyon. Parusa: nakasulat na pagsaway, pagpapatawag ng magulang, at suspensyon.
Second-level offenses – mas malala o paulit-ulit na paglabag gaya ng stalking, pananakot, pagnanakaw, at bahagyang pisikal na pinsala. Parusa: mandatory suspension, non-readmission, at exclusion depende sa bigat ng paglabag.
Third-level offenses – pinakamalalang kaso gaya ng hazing, homicide, sexual assault, bomb threats, pagdadala ng baril, pampasabog, ilegal na droga, at acts of lasciviousness. Parusa: non-readmission o exclusion, kasama ang awtomatikong referral sa law enforcement at social welfare agencies.
Ipinaliwanag ng DepEd na sa non-readmission, hindi na maaaring mag-enroll ang mag-aaral sa susunod na school year ngunit papayagang tapusin ang kasalukuyang taon. Sa exclusion, agad na tatanggalin sa listahan ng klase ngunit maaaring ipagpatuloy ang edukasyon sa pamamagitan ng angkop na interbensyon.
Dagdag pa ng DepEd, kasama sa guidelines ang risk assessments, confidential incident reporting, at mental health support para sa mga biktima. Layunin nitong magtatag ng inclusive at protective culture sa lahat ng pampublikong paaralan.
- Latest
















