Inday, posibleng maging super bagyo

MANILA, Philippines — Binabantayan ng PAGASA ang isang tropical cyclone sa silangan ng bansa na posibleng lumakas bilang super typhoon at magpalakas ng southwest monsoon o Habagat sa susunod na linggo.
Ayon kay PAGASA forecaster Leanne Loreto, ang bagyo na may international name na Bavi ay nasa higit 3,700 kilometro silangan ng Eastern Visayas nitong Huwebes ng umaga. Inaasahang lalakas pa ito habang tumatawid sa Pacific Ocean at posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa kalagitnaan ng susunod na linggo. Kapag pumasok, tatawagin itong Inday.
Batay sa forecast ng Japan Meteorological Agency (JMA), dadaan ang bagyo sa Northern Mariana Islands bilang malakas na typhoon sa Lunes at maaaring pumasok sa PAR bilang super typhoon sa Miyerkules. Sa ngayon, nakikita ang no-landfall scenario, ngunit may mataas pa ring antas ng uncertainty.
Bagama’t hindi inaasahang tatama sa lupa, posibleng magdala ng malalakas na ulan ang bagyo dahil sa paghila nito sa Habagat. Inaasahan ang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa mula kalagitnaan ng susunod na linggo hanggang weekend.
Ayon sa mga pag-aaral ng mga meteorologist, halos isang-katlo ng ulan sa tag-ulan ay kaugnay ng Habagat na pinalalakas ng tropical cyclones. Noong 2024, ang Habagat na pinalakas ng Super Typhoon Carina ay nagdulot ng tatlong araw na malakas na ulan na nagresulta sa pagbaha sa Metro Manila, Central Luzon, at CALABARZON, kung saan halos 50 ang nasawi at mahigit P10 bilyon ang pinsala.
Ngayong Huwebes, magdadala pa rin ng kalat-kalat na ulan ang Habagat sa Palawan at Mindoro, habang posibleng magkaroon ng thunderstorms sa hapon o gabi sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
- Latest

















