EDITORYAL - Daming pulitiko, kabado sa AICS Bill
ANG kakarampot na ayuda mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ay madalas na nagiging linya sa pagitan ng buhay at kamatayan nang maraming mahihirap na Pilipino.
Ngunit sa halip na mapadali ang pagpapasa ng batas upang maging permanente ang programa, na-hostage ang AICS bill sa Kongreso noong nakaraang special session. Ang dahilan? Nangatal at kinabahan ang ilang pulitiko na mawalan ng pondo para sa kanilang pamumulitika at pansariling interes.
Ibinunyag ni Sen. Erwin Tulfo, dating DSWD secretary, ang nangyaring “deadlock” sa pagitan ng Senado at Kamara. Ayon sa kanya, tumangging pumirma ang mga kongresista dahil sa Seksyon 17—ang tinatawag na “anti-epal provision” na magbabawal sa mga pulitiko na mamigay ng ayuda mula sa DSWD.
Walang paliguy-ligoy na sinabi ni Tulfo: “Are they afraid that finally, after so many years that this AICS had been used for politicking, the law will already stop this?” Ipinunto niya ang mapait na katotohanan sa ibaba: kung hindi ka boboto o susuporta sa isang pulitiko, ipagkakait sa iyo ang ayuda.
Mabilis naman itong pinabulaanan ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario, pinuno ng House committee on social services. Katwiran niya, hindi raw pagtutol sa anti-epal clause ang dahilan kundi mga teknikalidad sa pagbuo ng salita (precise, enforceable wording). Giit pa niya, kalabisan na ang probisyong ito dahil nakasaad na raw ang pagbabawal sa mga pulitiko sa Section 19 ng General Appropriations Act (GAA).
Subalit, napakababaw ng palusot na ito. Kung tunay ngang suportado ng Kamara ang layuning ilayo sa pulitika ang AICS, bakit kailangan pang i-delay ang pagpasa nito sa oras na kailangang-kailangan na ito ng ehekutibo? At kung totoo mang epektibo ang umiiral na probisyon sa GAA, bakit hanggang ngayon ay nagkalat pa rin ang mga mukha, pangalan, at kulay ng mga pulitiko sa distribution ng DSWD?
Hindi barya-barya ang pinag-uusapan dito. Mula P40 bilyon, pumalo na sa P63.9 bilyon ang budget ng AICS para sa taong 2026. Ito ay limpak-limpak na pera ng taumbayan na madaling magamit bilang campaign war chest habang papalapit ang eleksyon, lalo na kung walang mahigpit na batas na pipigil sa mga nakaupo.
Ang AICS ay para sa mga nawalan ng hanapbuhay at namatayan ng kaanak. Isa itong safety net ng lipunan, hindi loyalty reward program ng mga pulitiko. Oras na para patunayan ng mga mambabatas na ang kapakanan ng masa ang kanilang inuuna. Ipasa ang AICS bill, at panatilihin ang pangil ng anti-epal provision. Kung walang maitim na balak, walang dapat katakutan ang mga pulitiko. Ipasa ang AICS Bill.
- Latest



















