US Defense Chief nag-warning sa China

MANILA, Philippines — “Make no mistakes, we are prepared!”
Ito ang mariing babala ni US Defense Chief Pete Hegseth na iginiit na handa sila sa anumang potensiyal na ‘military conflict’ laban sa China sa gitna na rin ng tumitinding agresyon o pambu-bully ng nasabing bansa sa pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea (West Philippine Sea).
Si Hegseth at ang delegasyon nito ay bumisita sa Pilipinas kahapon kung saan nag-courtesy call ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bago nagtungo sa Camp Aguinaldo at nagsagawa ng bilateral meetings sa counterpart na si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Sinabi ni Hegseth na ang Estados Unidos ay handang tumugon laban sa anumang marahas na aksiyon ng China sa gitna na rin ng tensiyon sa kalakalan at seguridad sa Indo Pacific Region gayundin para matiyak ang ‘freedom of navigation’ maging sa South China Sea.
Kasabay nito, pinagtibay ring muli ng Defense chief ang ‘ironclad commitment ng Amerika sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty na binigyang diin ang kahalagahan na mapigilan ang harassment at iba pang illegal na aksiyon ng China sa pinagtatalunang teritoryo.
“Deterrence is necessary around the world but specifically in this region, in your country, considering the threats from the communist Chinese. Friends need to stand shoulder to shoulder to deter conflict, to ensure that there is free navigation whether you call it the South China Sea or the West Philippine Sea,” ayon kay Hegseth.
“Peace through strength is a very real thing,” ani Hegseth na pinapurihan ang Pilipinas sa katatagan nito para idepensa ang interes ng bansa sa pinagtatalunang teritoryo.
“The challenges we face require that kind of team effort, but I’ll tell you this, those aspects are just the beginning and I can assure all those watching, this is just the beginning of what will continue to be an incredibly fruitful alliance,” wika niya.
Ang Pilipinas, isa sa mga kaalyadong bansa ng Amerika ang unang binisita ni Hegseth sa Southeast Asia.
Bahagya ring tinukoy din ni Hegseth na may plano ang US na tumulong sa Pilipinas sa gitna na rin ng mainit na tensiyon sa WPS.
“I defer to Admiral Paparo and his war plans, real war plans,” ani Hegseth na ang tinutukoy ay si US Indo-Pacific Command Commander, Samuel John Paparo Jr. na iginiit na kumpiyansa siyang makikipagtulungan ito sa AFP para mapagtanto ng China kung ang karahasan o anumang aksiyon ang nais ng mga itong landasin.
- Latest