VP Sara impeach na - Kamara
Sandro Marcos unang pumirma
MANILA, Philippines — Si presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang unang pumirma sa ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pambihira at solidong desisyon na naitala sa kasaysayan ng Pilipinas, ini-impeach na ng Kamara de Representantes kahapon ng hapon si Vice President Sara Duterte kaugnay ng betrayal of public trust , large scale corruption, abuse of public funds, extra judicial killings at conspiracy to assassinate President Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr. at iba pa.
Sa kanyang ulat sa sesyon sa plenaryo nitong Miyerkules ng hapon, inihayag ni House Secretary General Reginald Velasco na 215 Kongresista ang lumagda sa ikaapat na impeachment complaint na inindorso at pinagtibay sa plenaryo laban kay Duterte upang dalhin sa Senado para sa pagsalang dito sa paglilitis .
Inihain ang ikaapat na impeachment nitong Pebrero 5 na unang pinirmahan ni Sandro Marcos at pinagtibay rin sa mismong huling araw ng sesyon para bigyang daan ang campaign period kaugnay ng gaganaping midterm elections sa Mayo ng taong ito.
Ang ikaapat na impeachment complaint na inindorso ng 215 Kongresista na mahigit sa 1/3 sa kabuuan nitong 306 miyembro ay hiwalay pa sa tatlong naunang reklamo ng impeachment kontra sa Bise-Presidente.
Ang tatlong naunang reklamo ay hindi na didinggin dahilan nahigitan ito ng ikaapat na impeachment na inindorso ng 215 mambabatas.
Isandaan at dalawa (102 ) lang ang kailangang numero ng mga mambabatas upang ma-”fast tracks” ang proseso ng impeachment kung saan hindi na ito daraan sa deliberasyon ng House Committee on Justice at idideretso na sa Senado.
- Latest