2 bodega sa Bulacan ni-raid: P680 milyong yosi, kagamitan samsam
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines — Nadiskubre ng mga awtoridad ang milyun-milyong halaga bg ilegal na sigarilyo, mga makinarya sa paggawa nito at mga hilaw na materyales sa dalawang magkahiwalay na bodega dito sa lalawigan, kamakalawa ng umaga.
Batay sa ulat ng Philippine National Police Public Information Office (PNP PIO), pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Police Regional Office 3, Bureau of Customs (BOC) at iba pang katuwang na ahensiya ng pamahalaan ang nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang P680 milyong halaga ng mga sigarilyo, makinarya at hilaw na materyales mula sa dalawang bodega sa mga bayan ng Guiguinto at Bustos, Bulacan.
Sa isinagawang inspeksiyon sa isang bodega sa Barangay Catacte, Bustos, natagpuan ng mga awtoridad ang mga makinang ginagamit sa paggawa ng sigarilyo, mga kahon ng sigarilyong may tatak na Cannon, tinadtad na dahon ng tabako at iba pang materyales na ginagamit sa produksiyon ng sigarilyo.
Samantala, sa isa pang bodega sa Barangay Sta. Cruz, Guiguinto, nasamsam ang mga kahon ng sigarilyong may tatak na Cannon, papel na ginagamit bilang pansala ng sigarilyo (cigarette filter paper), mga kristal na menthol at iba pang materyales na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo.
Pinaniniwalaang ginagamit naman ang naturang bodega bilang imbakan ng mga ilegal na produkto at kagamitan.
Isinara at mahigpit na binabantayan ng Bureau of Customs ang dalawang bodega habang isinasagawa ang imbentaryo at imbestigasyon.
- Latest















