Senado tinapos marathon deliberation sa P7.2 trilyong national budget
MANILA, Philippines — Tinapos na ng Senado ang masusing pagtalakay sa panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027 kahapon.
Ayon sa tanggapan ni Senate President Sherwin Gatchalian, natapos ng Senado ang deliberasyon bandang ala-1:25 ng madaling-araw ng Sabado.
Sa isang Facebook post, sinabi ng Senado na natalakay nito ang mga panukalang alokasyon ng ilang pangunahing ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na humirit ng P587.9 bilyon, at Department of Health (DOH), P378.629 bilyon.
May panukalang alokasyon din na P326.9 bilyon ang Department of National Defense (DND), P175 bilyon sa Department of Agriculture (DA).
Tinalakay rin ng Senado ang panukalang P84.132-bilyong badyet ng Hudikatura, P27.89 bilyon para sa Kongreso ng Pilipinas, Commission on Higher Education (CHED) na may panukalang badyet na P38.821 bilyon, at Department of Migrant Workers (DMW), na may P11.894 bilyon.
Humihiling ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity ng P9.304 bilyon, habang may panukalang alokasyon na P1.738 bilyon ang National Commission on Indigenous Peoples.
May panukalang badyet na P1.247 bilyon ang Marawi Compensation Board, habang humihiling naman ang National Amnesty Commission ng P266.6 milyon.
May panukalang alokasyon na P187.8 milyon ang Commission on Filipinos Overseas, habang humihiling ang Metropolitan Baguio City, La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba, and Tublay Development Authority ng P45.4 milyon.
Natalakay rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT), na may panukalang badyet na P8.514 bilyon; National Intelligence Coordinating Agency (NICA), P3.086 bilyon; at National Security Council (NSC), P1.122 bilyon at iba pang panukalang budget ng ibang ahensya ng pamahalaan.
- Latest















