2 seller ng chainsaw sa Facebook, hinatulang guilty ng korte
MANILA, Philippines — Hinatulang makulong at pagmultahin ang dalawang lalaki matapos na mapatunayan ng korte na nagkasala sa batas sa pamamagitan ng pagbebenta ng 20 piraso ng chainsaw sa Facebook gayung walang permit at rehisto sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 17, 2026 nang ibaba ng Regional Trial Court Branch 39 ng Lingayen, Pangasinan ang hatol na guilty sa akusadong sina Junjun De Guzman Serrano;at Ferdinand Isit Castro Jr, sa paglabag sa Section 7 ng Republic Act 9175 (Chainsaw Act of 2002), kaugnay ng Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) na may parusang kulong at multa.
Batay sa record, isang entrapment operation ang isinagawa ng NBI-Alaminos District Office, katuwang ang DENR Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Central Pangasinan, noong Setyembre 2, 2026, sa Barangay Libsong East, Lingayen, Pangasinan dahil sa illegal na kalakalan ng mga regulated equipment at protektahan ang forest resources ng bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9175 ang pagbebenta, pamamahagi, paglipat, at pag-aari ng chainsaw ay sakop ng regulatory requirements at ang mga indibidwal na sangkot sa mga gawaing ito ay dapat kumuha ng kinakailangang permit at sumunod sa mga regulasyon ng DENR.
Nagpapaalala rin ang kaso sa lahat na ang paggamit ng social media at iba pang online platform upang mapadali ang mga unlawful transaction ay hindi nagpoprotekta sa mga indibidwal mula sa criminal prosecution.
Hindi naman binanggit ng NBI kung ilang taon ang kulong at magkano ang multa na kung ibabatay sa batas ay “one degree higher” ang parusa dahil may cybercrime sa nagawang paglabag sa Chainsaw Act of 2002, mula sa 4-6 na taong kulong at P15,000-P30,000 na multa.
- Latest




















