Online seller, tiklo sa ilegal na paputok
MANILA, Philippines — Isang 20-anyos na online seller ang dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) dahil sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok sa Malanday, Valenzuela City.
Pinangunahan ng Cyber Financial Crime Unit ng PNP-ACG ang operasyon matapos matukoy sa isinagawang cyberpatrolling ang mga paputok na inilalako ng suspek sa social media.
Nasamsam sa operasyon ang nasa 200 piraso ng ilegal na paputok na ibinebenta sa halagang P50 bawat isa, o may kabuuang halaga na P10,000. Nakasilid ang mga ito sa dalawang kahon na dinala sa kustodiya ng pulisya.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o batas na nagreregula sa pagbebenta, paggawa, pamamahagi at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices, kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
- Latest















