Obispo sa El Niño: ‘Bukod sa balde, gamitin ang kukote’

MANILA, Philippines — Nanawagan si Antipolo Bishop Ruperto Cruz Santos sa publiko na huwag lang bumili ng balde at iba pang lalagyan ng tubig bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Strong El Niño kundi gumamit din ng wastong pag-iisip at disiplina.
Sa mensaheng inilathala sa kanyang Facebook page, sinabi ng obispo na mabuting maghanda ng balde, drum at iba pang imbakan ng tubig, ngunit hindi sapat ang mga ito upang matugunan ang kakulangan ng suplay ng tubig.
Ayon kay Santos, kailangan ang maayos na plano, responsableng paggamit ng tubig at malasakit sa kapwa upang malampasan ang epekto ng matinding tagtuyot.
Binigyang-diin niya na maaaring maapektuhan ng El Niño ang suplay ng tubig, kabuhayan ng mga magsasaka, produksyon ng pagkain, kalusugan ng mga mamamayan at pang-araw-araw na pamumuhay.
Hinimok din ng obispo ang pamahalaan na maglatag ng mga hakbang bago pa lumala ang sitwasyon at huwag lamang iasa sa mga mamamayan ang paghahanda.
Kasabay nito, pinaalalahanan niya ang publiko na mag-imbak lamang ng sapat na tubig at iwasan ang pag-aaksaya o labis na pag-iipon na maaaring magdulot ng kakulangan para sa iba.
Iginiit din ni Santos na mahalagang pangalagaan ang kalikasan at mga pinagkukunan ng tubig dahil ito ay biyaya ng Diyos na may kaakibat na pananagutan.
Sa huli, hinikayat niya ang lahat na manalangin, maghanda at kumilos upang mabawasan ang epekto ng El Niño.
- Latest



















