P200K dinner sa Tokyo pasok sa ‘unexplained wealth’
Kung hindi maipapaliwanag - prosec
MANILA, Philippines — Hiniling ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa panig ng depensa na linawin ang mga katanungan kaugnay ng deklarasyon sa pananalapi ni Vice President Sara Z. Duterte at ang mahigit P200,000 na gastusin sa isang hapunan ng kanyang asawa.
Sinabi ni Alonto Adiong na nakasaad umano sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte na wala siyang cash on hand at cash in bank mula 2022 hanggang 2025.
“Paano ninyo maipapaliwanag na sa SALN ng Bise Presidente, wala raw siyang cash on hand simula 2022 hanggang 2025? Wala raw siyang cash in bank—zero, none,” pahayag ni Adiong.
Nauna nang ipinaliwanag ng defense witness na si Atty. Anel Martin Antero na ang P205,007.29 na restaurant bill sa Tokyo, Japan noong Mayo 2023 ay para sa 11 katao at pinaghatian umano ng mga dumalo.
Gayunman, iginiit ni Adiong na ang mahalagang usapin ay kung may sapat na paliwanag sa umano’y P817 milyong paglobo ng yaman nina Duterte at Carpio.
“Kung wala pong paliwanag, unexplained wealth po ‘yan,” ani Adiong.
Dagdag pa niya, maaari ding maituring na nakatagong yaman ang mga ari-ariang hindi naideklara sa mga isinumiteng SALN.
Patuloy na hinihingi ng prosekusyon ang paglilinaw ng depensa hinggil sa mga kinukuwestiyong ari-arian at sa kanilang pinagmulan.
- Latest



















