^

PSN Opinyon

Enjoy lang: Dasal lang nang dasal kahit nakakapagod na!

Enjoy Lang! - Fr. Glenn Paul M. Gomez, SVD - Pilipino Star Ngayon

Anu-ano na ba ang kinakatakutan natin ngayon?

Dati, takot tayo sa baha. Ngayon, takot na tayo sa El Niño, sa gera, sa AI, sa hacking, sa scam, sa fake news. Takot sa mahal na bilihin - ‘yung dating P500, magkano na lang nga­yon dahil sa inflation. Takot sa katiwalian. Takot na hindi sasa­pat ang sahod para sa pamilya.

Pagod ka na ba kakaisip? Pagod ka na ba kakadasal? Kung oo, para sa’yo ang Ebanghelyo ngayon.

Sa Luke 18:1-8, sabi ni Hesus, “Manalangin kayo palagi at huwag manghinawa.” Nagkuwento Siya ng balo na araw-araw pumupunta sa hukom na walang takot sa Diyos. Paulit-ulit niyang sinasabi, “Ibigay mo sa akin ang katarungan!” Sa huli, napilitan ang hukom dahil sa kulit niya.

Sabi ni Hesus, kung ang masamang hukom ay nakinig, paano kaya ang Diyos na Ama natin? Ang hukom, napilitan lang. Ang Diyos, naghihintay lang na lumapit ka.

Hindi lang ito parable. Totoo ito kay Hannah sa 1 Samuel 1. Taun-taon siyang pumupunta sa Templo para magdasal na magkaanak, kahit inaasar siya dahil baog siya.

Nanalangin siya nang tahimik hanggang sa gumalaw ang mga labi niya. Pero hindi sumuko si Hannah. Sa huli, binigyan siya ng Diyos ng anak - si Samuel, na naging daki­lang propeta. Ang dasal na paulit-ulit, hindi kahinaan. Iyan ang katatagan.

Sabi ng psychology, totoo ito. Sa pag-aaral ni Dr. Andrew Newberg, ni-scan niya ang utak ng mga taong nagdarasal araw-araw. Tumatahimik ang parietal lobe - ang parte ng utak na nagpaparamdam ng takot. Lumalakas ang frontal lobe - ang parte na nagpaparamdam ng focus at kapayapaan.

Ibig sabihin, binabago ng dasal ang utak mo. Parang kalsada. Kapag paulit-ulit mong dinadaanan ang takot, lumalaki ang kalsada ng takot. Kapag paulit-ulit mong dinadaanan ang dasal, lumalaki ang kalsada ng kapayapaan. Kung pagod ka na, magpahinga ka, pero huwag kang sumuko.

Panalangin po tayo: Panginoon, pagod na po ako matakot. Hindi po ako hihingi ng biglang milagro. Bigyan N’yo po lang ako ng kulit ng balo at tiyaga ni Hannah. Ikaw po ang Ama kong naghihintay sa akin. Amen.

EL NINO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with