Hindi pa lubusang nalulusaw ang POGO hub
MUKHANG hindi pa talaga lubusang nawawalis itong mga dayuhan na nag-o-operate ng POGO hub sa bansa, ito ang obserbasyon ng aking mga nakausap. Kaya tuloy ang hinala nila, malaki ang latag na intelihensiya ng mga dayuhan sa mga Local Government Units (LGUs) sa kasalukuyan, kasi nga, sa kabila ng walang humpay na pananalakay ng mga operatiba mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at mga matitikas nating kapulisan, nakapagtataka na hindi pa rin ito nawawalis sa ating bansa.
Ang masaklap nito, nakakaladkad na tayo sa masalimuot na situwasyon na sumira sa ating mga Pilipino sa iba’t ibang bansa. Ang masaklap pa, lumalabas na walang isang kusing na naiaambag ito sa kaban ng bayan at ang hinala nitong aking mga kasusap ay sa bulsa ng ilang mga balasubas at gutom na mga opisyales ng pamahalaan mismo. Mukhang kung susuriin natin itong mga aktibidades ng mga dayuhan na nag-o-operate ng ilegal na POGO hub sa bansa at tila wala silang pinangingilagan sa ating batas at oras na masalakay o ma-raid ang mga ito ay magla-lay low muna sila at mababalitaan na lamang natin na malaki na naman ang kanilang nasasakop na establishment.
Katulad na lamang dito sa sinalakay ng PNP-CIDG NCR sa pamumuno ni P/Col. John Guiagui kung saan nasa 150 empleyado ng Parcel Scam Hub sa may Pasay City. Ayon sa impormasyong ipinarating sa atin, sinalakay ng mga tauhan ni Guiagui ang scam hub sa may 15th floor ng KE Tower Building C sa may No. 160 Cuneta Avenue, Pasay City na kung saan nasakote ang 138 Indonesian, 16 Vietnamese, 10 Chinese at 2 Malaysian. Ayon sa paunang impormasyon ang aktibidades umano nitong scam hub ay mambiktima ng mga kapwa nila kababayan sa abroad. Matindi ang pag-organisa ng grupo dahil mayroon silang maliit na kuwarto o silid na kumpleto sa mga kagamitan para maipakita sa kanilang biktima na tunay na mga alagad sila ng batas sa kanilang bansa, kasi nga ang mga uniporme nito ay matataas na opisyales ng kapulisan ng kanilang bansa.
Duda nitong aking mga kausap matagal na itong nakakapanloko sa mga kababayan nila at ang masakit nito, syempre ang bansa natin ang masisira sa bandang huli dahil dito ginagawa ang illegal na transaksyon. Ang masaklap lang, bakit walang kaalam-alam itong Pasay City Government gayong may obligasyon silang magmatyag o magkaroon ng pagti-check sa mga gusali na inookupa ng mga dayuhan. Malaking datung kaya ang naipapamudmod sa mga dayukdok na mga opisyales? Iyan ang ating pakakaabangan!
- Latest















