Marcos: Isabuhay angkabutihan ngayong Undas
MANILA, Philippines — Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na isabuhay ang diwa ng Undas sa pamamagitan ng pagpapakita ng malasakit, kabutihan, at pag-unawa sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan.
Sa kanyang mensahe para sa All Saints’ Day at All Souls’ Day, sinabi ng Pangulo na ang debosyong ipinakikita sa pag-alala sa mga yumao ay dapat ding makita sa pakikitungo sa kapwa at sa pagtulong sa mga dumaranas ng pagsubok.
Ayon kay Marcos, kung naglalaan ng panahon ang mga tao upang parangalan ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay, dapat din silang maglaan ng oras upang pakinggan at damayan ang mga nahihirapan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan nang malasakit sa lipunan, bagay na aniya’y patuloy na isinusulong ng pamahalaan.
Aniya, ang mga sakripisyo ng mga yumao at ang halimbawa ng mga santo sa paglilingkod ay dapat magsilbing inspirasyon upang higit na tumulong sa kapwa at makibahagi sa kanilang mga pinagdaraanan.
Inilarawan din ng Pangulo ang Undas bilang panahon ng muling pagsasama-sama ng mga pamilya habang ginugunita ang buhay at alaala ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Dagdag pa niya, kahit wala na ang mga yumao, nananatili silang bahagi ng mga ugnayang nagpapatatag sa pamilyang Pilipino at sa sambayanan.
- Latest



















