Anak kinatay ng icepick ng 75-anyos tatay!

MALINAO, Albay, Philippines — Agarang nasawi ang isang 40-anyos na lalaki matapos na pagsasaksakin ng kanyang 75-anyos na tatay sa loob ng kanilang bahay sa Purok-9, Brgy.Labnig, Malinao, Albay kamakalawa ng hapon.
Sinubukan pang isugod ng mga kaanak at residente sa Ziga Memorial District Hospital sa Tabaco City ang biktimang si Yang, isang construction worker pero hindi na umabot nang buhay dahil sa mga tama ng saksak sa tiyan at iba pang bahagi ng katawan.
Sumuko naman sa mga rumespondeng pulis ang tatay na si alyas “Lito,” isang vulcanizer at itinurn-over ang icepick na ginamit sa pananaksak.
Sa ulat, dakong ala-1:15 ng hapon sa hindi malamang dahilan ay nakitang mainit na nagtatalo ang mag-ama.
Sa gitna nang pagtatalo, bumunot ng ice pick ang anak at tinangkang saksakin ang tatay.
Gayunman, naagaw ng ama ang patalim at ilang beses na pinagsasaksak ang anak na duguang humandusay.
Nahaharap sa kasong parricide ang nakakulong na matandang ama.
- Latest




















