2 estudyante pinainom ng guro ng dinuraang softdrinks!
Pinagpasa-pasahan ng mga kaklase
MANILA, Philippines — Dalawang estudyante ang umano’y dumanas ng pangmamaltrato mula kamay ng kanilang guro nang painumin ng softdrinks na pinagpasa-pasahan at dinuraan ng kanilang mga kaklase sa loob ng silid-aralan sa Mangaldan, Pangasinan kamakailan.
Sa report, nakuhanan ng video ang pag-utos ng guro sa mga estudyante na pagpasa-pasahan at duraan ang bote ng softdrinks bago ito ipainom sa dalawang mag-aaral. Maririnig din ang pagkadiri at pagkabigla ng mga bata habang isinasagawa ang naturang gawain.
Bago ang insidente, makikitang pinagagalitan ng guro ang dalawang estudyanteng nakatayo sa likuran ng silid. Hindi pa malinaw kung ano ang dahilan ng kaniyang pagkagalit. Maya-maya ay lumabas ang guro, ngunit nagpatuloy ang pangyayari sa loob ng classroom.
Sa kabila ng pagsigaw ng isang kaklase ng “Tama na!” ipinainom pa rin sa dalawa ang softdrinks na pinagpasa-pasahan ng mga kaklase at dinuraan. Hindi nagtagal, tumakbo palabas ang mga biktima at nagsuka sa plantbox. Agad naman silang tinulungan ng kanilang mga kaklase.
Lalong nakaaantig ang mga sumunod na pangyayari nang bumalik ang dalawa sa silid-aralan. Makikitang tila umiiyak na at naduduwal pa rin ang isa sa kanila habang tinatakpan ang mukha gamit ang kaniyang T-shirt.
Dahil sa insidente, nakaabot ito kay Mapandan Councilor Percival Biagtan at nakipag-ugnayan sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Department of Education (DepEd) Schools Division Office 1 Pangasinan. Hiniling niyang agad na maipatingin sa doktor ang dalawang estudyante upang matiyak ang kanilang kalagayan at kastiguhin ang nasabing guro.
- Latest
















