Ugnayang Pilipino at Espanyol
Sa tuwing nakakakita ako ng bakas ng kulturang Espanyol sa Maynila, mula sa arkitektura hanggang sa pagkain, naaalala kong buhay na buhay pa rin ang ugnayan ng Pilipinas at Spain.
Personal ito para sa akin. Mula pagkabata, naikukwento sa akin na nagmula ang aking ama sa Basque region sa hilagang Spain, kung saan pinahahalagahan ang pamilya, at tradisyon. Ang mga pagpapahalagang ito ay bahagi rin ng aking pagkatao.
Kaya ikinatuwa ko ang suporta ng Spain at European Union sa Luzon Economic Corridor (LEC), na mag-uugnay sa Subic, Clark, Manila, at Batangas upang makahikayat ng mamumuhunan sa imprastraktura, enerhiya, teknolohiya, at manufacturing.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, patunay ito ng tiwala sa ekonomiya ng Pilipinas. Mahalaga rin ang oportunidad para sa industriya ng pagmimina. Gaya ng binigyang-diin ni Chamber of Mines Chairman Mike Toledo, dapat magamit ang ating yamang-mineral upang makalikha ng mas maraming industriya, trabaho, at pangmatagalang kaunlaran.
Ngunit hindi lamang malalaking proyekto ang sumasalamin sa ugnayang ito. Kamakailan, nakilala ko sa isang mall si Shaan Chainani, owner ng San Ginés, ang tanyag na churros institution mula Madrid na nagbukas ng kauna-unahang Asian flagship store nito sa Maynila.
Ayon sa kanya, likas sa mga Pilipino at Espanyol ang pagiging malapit sa pamilya at pagkahilig sa salu-salo. Plano rin nilang palawakin ang kanilang negosyo sa bansa. Para sa akin, iisa ang mensahe ng LEC at San Ginés: may tiwala ang Espanya sa potensyal ng Pilipinas.
Maaaring nagsisimula ang malalaking kasunduan sa mga boardroom, ngunit mas tumitibay ang ugnayan sa pagkakaibigan, kultura, at simpleng pagsasalo. Minsan, sapat na ang isang platong churros upang ipaalala iyon.
- Latest















