SC Asso. Justice, hindi ambisyon ni ‘Ante Kler’
MANILA, Philippines — Itinanggi ni Palace Press Officer at Undersecretary Atty. Claire Castro ang mga ulat na umano’y itatalaga siya bilang Associate Justice ng Korte Suprema.
Ito ay bilang tugon sa mga usap-usapan na maaaring italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Associate Justice Rodil Zalameda bilang susunod na Punong Mahistrado, na magreresulta sa pagbabakante ng isang posisyon sa Mataas na Hukuman na maaari umanong aplayan ni Castro.
Nilinaw ni Castro na hindi siya naghain ng aplikasyon para sa naturang posisyon at walang katotohanan ang mga kumakalat na ulat.
Aniya, hindi niya pangungunahan ang Pangulo sa pagpili at pagtatalaga ng susunod na Punong Mahistrado.
Lahat ng mga nominado ay may sapat na kakayahan, at nagtitiwala siya na pipili si Pangulong Marcos ng pinakaangkop at namumukod-tanging kandidato para sa posisyon.
Inaasahang isusumite ng Judicial and Bar Council (JBC) kay Pangulong Marcos ang listahan ng mga nominado para sa susunod na Chief Justice.
Ang pagpili ng bagong Punong Mahistrado ay bunsod ng nalalapit na compulsory retirement ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa oras na umabot siya sa mandatory retirement age na 70 taong gulang.
- Latest
















