Sobra ang ibinayad sa utang, mababawi pa ba?
Dear Attorney,
Napasobra ang ibinayad ko sa aking inutangan. Kahit wala kaming napag-usapan tungkol sa interes, binayaran ko na rin sa pag-aakalang may interes akong dapat bayaran. Nalaman ko na hindi naman pala ako kailangang magbayad ng interes. Puwede ko bang habulin ang sobrang naibayad? – Lito
Dear Lito,
Mababawi mo ang sobrang naibayad sa pinagkautangan. Ayon sa Article 1960 ng Civil Code, kung nagbayad ng interes ang isang umutang kahit wala namang napagkasunduan ukol dito, kailangang sundin ang prinsipyo ng solutio indebiti na nakasaad sa Article 2154 ng Civil Code.
Ayon sa Article 2154, kung may natanggap na isang bagay at wala namang karapatan ang nakatanggap na hingin ito at naibigay lamang ito sa kanya bunsod ng pagkakamali ay magkakaroon ng obligasyon ang nakatanggap na ibalik ang bagay na kanyang natanggap.
Base rito, may karapatan kang singilin pabalik ang interes na ibinayad mo dahil ibinigay mo lamang ito sa pag-aakalang kailangan mo talagang magbayad ng interes.
Sa small claims court ka dapat magsampa ng kaso ngunit kailangan mo munang magpadala ng demand letter upang maipakita mo sa korte na binigyan mo ng tsansa ang inutangan mo na bayaran ang sinisingil mong halaga.
- Latest



















