Lady Altas umeskapo sa Lady Red Spikers sa SSL

MANILA, Philippines — Pinatumba ng University of Perpetual Help System DALTA ang San Beda University, 28-30, 25-19, 23-25, 25-17, 16-14, para sumampa sa win column ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Nagtuwang sina Jemalyn Menor at Cyrille Almeniana para ibangon ang Lady Altas mula sa opening-day loss.
Tumabla ang Perpetual sa Letran sa second hanggang third spot sa magkatulad nilang 1-1 baraha sa Pool A ng torneong itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
“Talagang nagtulungan kami sa loob ng court, pinaghirapan namin talaga ito para maipanalo ‘yung game namin ngayong araw,” ani Menor na pumalo ng 25 points mula sa 23 kills, isang service ace at isang kill block.
Binura ng Lady Red Spikers ang two-point lead ng Lady Altas para tumabla sa 13-13 sa fifth set.
Ang puntos ni Almeniana mula sa isang combination play ang naglagay sa Perpetual sa matchpoint, 14-13.
Subalit muling idinikit ni Angel Habacon ang San Beda sa 14-14.
Ngunit ang back-to-back hits ni Almeniana ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Lady Altas sa Lady Red Spikers.
Tumapos si Almeniana na may 14 points para sa Perpetual, habang may 10 markers si Edel Valdez kasunod ang walong puntos ni Rae Palacio.
Pinalakas ng Lady Altas ang tsansang makasama ang pool leader at five-peat-seeking National University Lady Bulldogs sa susunod na round.
Nakakuha na ang NU ng isang playoffs spot sa kanilang 3-0 record.
- Latest























