DICT Sec. Aguda, nagbitiw sa puwesto

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado na nagbitiw na sa kanyang tungkulin si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda at tinanggap na ng Malacañang ang kanyang resignation.
“Nagkaproblema tayo sa DICT. Batang departamento ang DICT but it started off on the wrong foot. Nag-resign. Tinanggap na ‘yung resignation,” sabi ni Remulla.
Naging sentro ng pahayag ni Remulla ang DICT habang tinatalakay niya sa kanyang programa ang digitalization efforts ng Office of the Ombudsman.
Nangyari ang pagbibitiw tatlong araw matapos sabihin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na mananatili si Aguda bilang kalihim ng DICT dahil wala pa umanong natatanggap na impormasyon noon ang Palasyo tungkol sa kanyang pagbibitiw.
Wala pang inilalabas na personal na pahayag si Aguda hinggil sa usapin. Hindi pa rin nagbibigay ng opisyal na pahayag ang Malacañang at DICT.
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Aguda bilang DICT secretary noong Marso 2025 kapalit ni Ivan John Uy. Nanumpa siya sa puwesto noong Marso 25, 2025 at kinumpirma ng Commission on Appointments ang kanyang appointment noong Oktubre 1, 2025.
- Latest


















