2 bebot tiklo sa Quezon City anti-fencing operation
MANILA, Philippines — Dalawang babae ang arestado sa anti-fencing operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa Brgy. San Antonio, Quezon City noong Oktubre 6 matapos umanong tangkain ibenta online ang anim na air-conditioning units na nagkakahalaga ng P347,988.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Christopher Olazo, dakong alas-8:31 ng gabi nang maaresto ang mga suspek na may edad 36 at 24, matapos ihatid ang anim na 2.5-horsepower wall-mounted inverter air-conditioning units na tig-P57,998. Narekober din ang P120,000 marked money na ginamit sa operasyon.
Nadiskubre ng appliance business na ibinebenta online ang kanilang mga produkto matapos mabigo ang P1.468 milyong transaksiyon nang isara ang account na ginamit sa bayaran. Nang matukoy ang mga model at serial number, nakumpirma ng kumpanya na kabilang sa kanilang imbentaryo ang mga unit, kaya ini-report ang transaksiyon sa Masambong Police Station 2 at isinagawa ang entrapment operation.
Sinabi naman ni NCRPO Director PBGen. Christopher N. Abrahano, dapat tiyakin ng mga negosyo na cleared at kumpirmado ang bayad bago ilabas ang mamahaling produkto. Nahaharap ang dalawang suspek sa paglabag sa Anti-Fencing Law, in relation to Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, at isasailalim sa inquest proceedings.
- Latest


















