Career Progression System: Wala nang gurong magreretirong Teacher I
Nanumpa kamakailan sa Lungsod ng Santiago sa Cagayan Valley ang 4,244 na mga guro at non-teaching personnel kasunod ng kanilang promotion. Ikinagagalak nating mabalitaan na marami sa ating mga guro ang nakakatanggap na ng promotion, lalo na’t naaayon ito sa pagpapatupad ng Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act (Republic Act No. 12288).
Sa ilalim ng naturang batas, ginawa nating institusyonado at pinalawak natin ang Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders. Pinalalawak nito ang mga oportunidad para sa mga guro at mga punong-guro upang umangat sa kanilang mga karera at makamit ang professional development. Sa pinakamadaling salita, wala nang guro ang mananatiling Teacher I kapag retirado na sila.
Upang mapalawak ang mga oportunidad sa mga guro, lumikha ang batas ng mga bagong posisyon: Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, Master Teacher V, Master Teacher VI, at School Principal V.
Bago natin pinalawak ang Career Progression System, lumabas sa pag-aaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na limitado ang mga oportunidad ng mga guro para sa promotion dahil sa kakulangan ng plantilla positions, quota sa mga Master Teacher positions, at iba pa. Dahil dito, tinatayang 15 taon ang average na panahong inaabot para ma-promote bilang Teacher III ang isang Teacher I.
Kaya naman sa ilalim ng batas, nilinaw natin ang mga batayan ng promotion ng mga guro at punong-guro. Kabilang dito ang pagkakaroon ng bakanteng posisyon o reclassification ng bagong posisyon batay sa kaalaman at kakayahang naaayon sa professional standards ng mga guro at punong-guro.
Pagdating sa promotion, gagamiting batayan ang kaalaman ng guro sa paksang itinuturo niya at sa mga pamamaraan ng pagtuturo. Para naman sa mga punong-guro, gagawing batayan ang pagiging epektibo ng kanilang pamumuno.
Patuloy nating titiyakin na pagdating sa mga oportunidad, hindi na mapag-iiwanan ang ating mga guro at punong-guro.
- Latest















