4-gold mark sa Asiad kaya malampasan — POC chief

MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na malalampasan ng Team Philippines ang four-gold mark sa papalapit na pagtatapos ng 20th Asian Games dito.
“May tatlong simba up to Sunday morning. Last three days, still hoping for more golds,” wika ni Tolentino sa tsansa ng mga national athletes na makakolekta ng gintong medalya sa ilang natitirang events.
Sa 2022 edition sa Hangzhou, China ay apat na ginto ang nakuha ng Pilipinas mula sa mga panalo nina pole vaulter Ernest John Obiena, jiu-jitsu warriors Meggie at Annie Ramirez at ng Gilas Pilipinas Men 5x5 team ni coach Tim Cone.
“Siguro naman sure na malalampasan ‘yung apat,” wika ng POC chief sa nasabing apat na golds sa Hangzhou Asiad.
Dalawang ginto ang inangkin ni 2024 Paris Olympics double-gold winner Carlos Yulo (men’s floor exercise at vault) sa Aichi-Nagoya Asiad kasunod ang muling paghahari ni Obiena sa pole vault na nagposte ng bagong Asiad record na 5.91-meters.
Pinuri rin ni Tolentino si mixed martial arts fighter Jean Claude Saclag at ang SIBOL Mobile Legends squad.
“Ganu’n talaga. May napipitas, may pumapalit. God willing, mayroon pa pagkukunan,” wika ni Tolentino.
Inaasahan ni Tolentino na makakakuha pa ang bansa ng mga gintong medalya sa boxing, martial arts, beach volleyball, padel, golf at team sports.
“Of course, boxing, Carlo Paalam. Judo. Malakas nga lang ‘yung first event ngayon. What else? Jiu-jitsu. Hopefully dalawa, so apat na ‘yun. Hindi ko alam dynamics ng softball. Pumasok pa ang padel, so lima. Meron pa ‘yan,” dagdag ng POC chief.
May kumpiyansa rin siya sa golf contingent na pinamumunuan nina Bianca Pagdanganan at Rianne Malixi.
“God willing. Lahat tayo mga kababayan, let’s pray for our athletes at Team Philippines. Lahat na mga nagka-qualify pa. Kaya sure na malalampasan natin ‘yung four, hopefully,” ani Tolentino.
- Latest



















