SMEs may P60 wage subsidy sa gobyerno

MANILA, Philippines — Nilinaw ng Malakanyang na magbibigay ang gobyerno ng P60 kada araw na wage subsidy sa mga small and medium enterprises (SMEs) na hirap ipatupad ang bagong minimum wage increase.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na nakatakdang maglunsad ng Sagip Trabaho Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Layon ng nasabing programa na maiwasan ang tanggalan ng empleyado at pagsasara ng maliliit na negosyo. Tatagal ang ayuda ng tatlong buwan, saklaw ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre.
Kailangan lamang na magsumite ang mga negosyo ng Department of Trade and industry (DTI) certificates, financial records, at listahan ng mga empleyado sa online portal o DOLE regional offices para maging kwalipikado. Habang maglalabas naman ang DOLE ng kabuuang guidelines para sa naturang programa ngayong linggo.
Ang hakbang ng Palasyo ay kasunod ng P60 daily minimum wage increase sa National Capital Region (NCR) sa P755 para sa non-agricultural workers at P718 sa agricultural at small retail establishments, na tinatayang makikinabang ang 1.1 milyong manggagawa.
- Latest



















