QCPD ‘di pakakampante vs krimen – Olazo

Kahit bumaba 8 focus crime
MANILA, Philippines — Bagamat bumaba ng 42.86% ang walong focus crimes sa Quezon City,sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Christopher Olazo na hindi sila magiging kampante at sa halip mas paiigtingin ang kampanya laban sa kriminalidad.
Nabatid na naitala ang 16 insidente mula Agosto 29 hanggang Setyembre 4, kumpara sa 28 insidente noong Agosto 22 hanggang 28, mula ng maupo si Olazo.
Ani Olazo, agad niyang inatasan ang 16 station commanders na paigtingin ang police visibility at tiyaking mabilis ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga residente. Sa naturang panahon, walang naitalang murder, homicide, motor vehicle carnapping at motorcycle carnapping.
Bumaba rin ng 66.67% ang mga kaso ng physical injury at rape, 25% ang robbery at 15.38% ang theft. Ayon kay Olazo, may mga pagkakataong umabot sa zero ang naitalang krimen sa loob ng 24 oras.
Sinabi ng QCPD chief na ipagpapatuloy ang police visibility, regular na patrol, intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa komunidad upang mapanatili ang pagbaba ng krimen at matiyak ang mabilis na pagresponde at paglutas sa mga insidente.
- Latest





















