Babae, binatilyo todas sa pamamaril sa Caloocan
MANILA, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang babae at isang binatilyo habang naghihintay ng masasakyan Lunes ng gabi sa Caloocan City.
Dead-on-the-spot ang 41-anyos na babae at 15-anyos na binatilyo matapos pagbabarilin sa bahagi ng Quirino Highway, Brgy. 181, ng nabanggit na lungsod bandang alas 7 ng gabi.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang mga biktima.
Ayon kay Romeo Indelible, Deputy Barangay Public Safety Officer ng Barangay 181 Annex, residente nila ang babae habang inaalam pa kung taga-saan ang menor-de-edad at kung ano ang ugnayan ng dalawa.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na naghihintay ng masasakyang jeep patungong Malaria Road ang mga biktima nang lapitan ng gunman at pagbabarilin.
Hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye ang Caloocan City Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng suspek.
Tumanggi na rin munang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima.
- Latest
















