Kampanya vs droga, pinaigting ngayong ‘ber months’- NCRPO
MANILA, Philippines — Dahil sa inaasahang pagdami ng pera at aktibidad ng publiko sa mga “ber” months kaya mas pinaigting pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya kontra ilegal na droga sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO chief PBGen. Christopher Abrahano, mas pinalakas ang intelligence monitoring at law enforcement operations laban sa mga drug syndicate upang mapigilan ang kanilang pagsasamantala sa pagtaas ng cash flow at pagdami ng mga tao sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Makikipag-ugnayan ang NCRPO sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement units para sa mas pinaigting na intelligence sharing, case build-up at koordinadong operasyon laban sa mga sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.
Tututukan din ng pulisya ang mga lugar na itinuturing na high-risk, kabilang ang entertainment at nightlife districts, transport hubs at iba pang lugar na maaaring pagdausan ng transaksyon ng mga drug syndicate.
Binigyang-diin ni Abrahano ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko at hinimok ang mga mamamayan na agad i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na droga.
- Latest
















