DOE, ginisa sa power crisis sa Visayas

Umamin na walang agarang solusyon
MANILA, Philippines — Ginisa ng mga kongresista ang Department of Energy (DOE) sa patuloy na problema sa suplay ng kuryente sa Visayas.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy, diretsahang kinuwestiyon ni Committee Chairman Jose Alvarez ang DOE hinggil sa sunud-sunod na Yellow at Red Alerts sa rehiyon.
“Bakit Red and Yellow? Bakit Mindanao plants ‘di maka-supply? Bakit Luzon ‘di maka-supply?” tanong ni Alvarez.
Aminado si Alvarez na wala pang naipakitang agarang solusyon ang DOE.
“Wala silang immediate solution,” aniya.
Umamin ang DOE na kulang ang conventional at baseload power plants sa ilang bahagi ng Visayas. Ayon kay DOE Usec. Mario Marasigan, sabay-sabay na nag-outage ang ilang malalaking planta sa Mindanao kaya limitado ang kuryenteng naipapasa sa Visayas — nasa 50 megawatts lamang sa ngayon.
Binanggit din ni Marasigan na sa Negros, halos puro renewable sources gaya ng solar ang ginagamit, at iisa lang ang baseload geothermal plant.
“Pag may planta na nag-outage, kulang na po tayo,” paliwanag niya.
Sa ngayon, nakatutok ang DOE sa mga generation company para maibalik agad sa operasyon ang mga naka-outage na planta. Gayunman, posible pa rin ang Yellow at Red Alerts sa ikalawang at ikatlong linggo ng Oktubre.
Ibig sabihin, nananatiling hamon ang kakulangan ng firm at conventional generation upang matugunan ang pangangailangan sa kuryente kapag hindi available ang ilang planta at hindi sapat ang renewable sources.
- Latest


















