‘Queenie’, papasok sa PAR bago weekend

MANILA, Philippines — Nagbabantang maging bagyo ang isang low pressure area (LPA) na nasa silangan ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Inaasahang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes o Biyernes at tatawaging bagyong Queenie.
Alas-8 ng umaga kahapon, Lunes, namataan ang LPA sa layong 2,045 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Sa ngayon ay wala pa itong direktang epekto sa bansa, ngunit inaasahang lalakas habang tumatawid sa Philippine Sea.
Ayon kay PAGASA forecaster Benison Estareja, patungo ang weather disturbance sa direksyon ng Extreme Northern Luzon bago sumapit ang susunod na linggo, at hahatakin ng Habagat simula Biyernes.
Kahapon, mahina ang Habagat na nakaapekto sa western section ng Southern Luzon, na nagdulot ng pag-ulan sa hapon o gabi sa Palawan, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.
Samantala, maaliwalas ang panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa sa umaga, ngunit posibleng magkaroon ng ulan sa hapon o gabi dahil sa epekto ng thunderstorms.
- Latest






















