VP Sara isinisi sa Marcos admin sa school shootings

MANILA, Philippines — Isinisisi ni Vice President Sara Duterte sa administrasyong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang serye ng pamamaril sa mga paaralan sa bansa, kabilang ang pinakahuling insidente sa Banga National High School, South Cotabato nitong Biyernes.
Ayon kay Duterte, ang tatlong shooting incidents ngayong taon na ikinasawi ng ilang estudyante ay patunay na nakokompromiso ang proteksiyon ng mga kabataan kapag inuuna ng pamahalaan ang political consolidation kaysa fundamental governance.
“Sumasalamin din ito sa laganap na karahasan sa lipunan na pinalalala ng kabiguan ng pamahalaan na tiyaking ligtas, payapa, at maginhawa ang pamumuhay ng mga Pilipino,” ani Duterte.
Binatikos pa niya ang administrasyon na mas pinipili umanong maging “inutil, magnakaw, at magsamantala” kaysa magsilbi nang tapat sa bayan.
Giit ni Duterte, sa halip na magpatupad ng makabuluhang aksyon, nakatuon ang administrasyong Marcos sa “walang katapusang laro ng political survival.”
Dagdag pa niya, binigo ng pamahalaan ang mga biktima at survivors ng South Cotabato tragedy, at nagbabala na mas marami pang kabataan ang nananatiling nasa panganib dahil sa kapabayaan ng gobyerno.
“We deserve better leadership than this,” ani Duterte.
- Latest




















