PCG chief: Barko ng Coast Guard baka maubos na
MANILA, Philippines — Nanawagan si Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa Senado na isaalang-alang ang kanilang hiling na budget, dahil ang malaking kaltas sa pondo ay makaaapekto sa operasyon ng PCG lalo na sa pagbabantay sa karagatan ng Pilipinas laban sa mga panghihimasok ng China.
Ginawa ni Gavan ang panawagan sa gitna ng insidente ng pagbangga ng China Coast Guard sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kamakailan.
“It will significantly compromise our operational ability. We are already operating at the maximum. The repair and maintenance requirement of our ships is already at, delikado na po baka ‘di na namin ma-sustain,” ani Gavan.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman JV Ejercito, may 57.5% na kaltas sa capital outlays ng PCG at P3.3 bilyon na bawas sa pondo para sa air at floating asset acquisition at maintenance.
Giit ni Gavan, kakaunti na ang barko ng PCG at maikli ang pagitan ng overhaul.
“It is just a matter of time that we will run out of ships. We are trying to prevent that,” dagdag niya.
Iminungkahi rin ni Gavan ang lease-to-own approach sa pagbili ng helicopters. Sa kasalukuyan, dalawa lamang ang helicopter ng PCG at isa pa rito ay nangangailangan ng major repair.
- Latest



















