13-anyos estudyante nanutok ng sirang baril
BAGUIO CITY , Philippines – Iniimbestigahan ng pulisya at mga opisyal ng Department of Education (DepEd) ang isang 13-anyos na Grade 8 student ng Lucban Integrated School matapos na makuhanan ng isang sirang .38-caliber revolver na walang bala.
Kahit nasa kustodiya na ng pulisya ang baril na nakuha sa estudyante, patuloy na inaalam ng awtoridad kung paano ito naipasok sa paaralan noong Miyerkules at diumano’y nagamit sa panunutok at kung sino ang may-ari nito.
Tinutunton din ng pulisya ang pinagmulan at pagmamay-ari ng baril, habang sinusuri ng mga opisyal ng paaralan ang kanilang mga patakaran sa seguridad at proseso ng pag-uulat sa mga ganitong insidente.
Binigyan ng psychological first aid ang mga estudyanteng naapektuhan ng insidente.
Ang 13-anyos na estudyante ay isinangguni rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kaukulang tulong, intervention at case management.
Patuloy ang imbestigasyon upang mabatid ang buong pangyayari at kung may naging pagkukulang sa mga ipinatutupad na safety protocols sa paaralan.
- Latest
















