Romualdez, ikulong sa Quezon City Jail - Sandiganbayan

MANILA, Philippines — Pinalilipat na ng Sandiganbayan Third Division si dating House Speaker at Leyte Congressman Martin Romualdez mula Philippine General Hospital (PGH) patungo sa New Quezon City Jail sa Brgy. Payatas, Quezon City.
Inutos ito ni Associate Justice Karl Miranda kasunod ng pagtestigo sa korte ni PGH Director Gerardo Legaspi na maaari nang palabasin si Romualdez anumang oras dahil stable na ang kondisyon nito. Nabatid na sinuri si Romualdez ng nasa 12 doktor. Bagama’t mayroong mga karamdamang nakita sa kongresista, maaari raw itong obserbahan at bantayan sa labas ng ospital.
Isa sa mga pagsusuring ginawa kay Romualdez ang dobutamine stress test, isang medical procedure na pinabibilis ang tibok ng puso ng isang tao na tila nag-e-ehersisyo gaya ng treadmill.
Maayos na rin ang resulta ng stress test ni Romualdez. Hindi na rin umano kailangan pang ma-confine sa ospital ng mambabatas at kailangan na lamang maging consistent sa pag-inom nito ng gamot.
“He tolerated the stress in the heart… His heart rate is similar to a regular person at 88%. There is no unstable angina”, ani Dr. Gerardo Legazpi.
Sinabi rin niya na ang mambabatas ay may 30% tiyansa na dumanas ng atake sa puso sa loob ng 30 taon o 3% kada taon, na hindi aniya nila itinuturing na napakataas habang 3%-5% ang tiyansa nito na ma-stroke.
Bagamat nakitaan nila si Romualdez ng major depression ay hindi naman ito nagpapakita ng suicidal intent.
Tiniyak naman ng abogado ni Romualdez na si Ade Fajardo na igagalang ng dating mambabatas ang desisyon ng korte at susundin ang proseso.
Mula Sabado ay naka-confine si Romualdez sa PGH matapos siyang ma-discharge sa Cardinal Santos Medical Center. Noong Biyernes, iniutos ng Sandiganbayan sa PGH na magsagawa ng independent medical assessment sa kanya.
Nilinaw naman ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario na hindi nanatili sa isang presidential suite sa PGH si Romualdez dahil walang ganitong akomodasyon ang nasabing ospital.
May arrest warrant ang Sandiganbayan laban kay Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dalawa pa kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y P7.44-bilyong kickback.
- Latest


















