Away sa jueteng sa Albay, hahantong sa Ombudsman!
NAGBANTA si gambling operator Alwin Nimo, alyas Kap Nimo, na sasampahan n’ya ng kaso si Albay Gov. Noel Rosal sa Ombudsman bunga sa sugal na jueteng sa kanyang probinsiya. Iginiit ni Kap Nimo na sangkaterba ang ebidensiya n’ya, kabilang na ang pag-uusap nilang dalawa at ang kuwenta sa jueteng na na-save n’ya sa celfone n’ya.
Kung si Kap Nimo ang paniniwalaan, nirebisa na ng mga abogado n’ya ang kanyang ebidensiya at sapat na itong iakyat sa Ombudsman. Araguyyyyy! At hihilingin ni Kap Nimo na suspendihin muna ng Ombudsman si Rosal, habang dinidinig ang kaso upang maiwasan ang tinatawag na “whitewash.” Tsk tsk tsk! May kaso na si Rosal sa Comelec, madaragdagan pa nitong Ombudsman ni Kap Nimo. Purbidang yawaahhhhh!
Hindi naman bago kay Kap Nimo itong pagkakaso sa Ombudsman dahil naka-file na s’ya dito ng nakaraan at may napasuspendi pang pulitiko. Si Rosal na kaya ang kasunod na magsuspendi? Ang masaya lang, mukhang hindi naman tungkol sa pulitika ang labanan nina Rosal at Kap Nimo kundi pulitika. Kapag nasuspendi kasi itong si Rosal, matic na ang mag-acting governor ay si Vice Gov. Farida “Diday” Sy, na umano’y kapatid ni ex-Ako Bicol Rep. Zaldy Co. Di ba na ang may-ari ng STL-con jueteng sa Albay noon ay itong si Zaldy Co, na nagtatago na sa ngayon dahil sa kasong plunder? Kapag si Diday ang aaktong governor, abayyyy buhay na naman ang hasang ni Kap Nimo. Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ibinabando naman ni Kap Nimo na walang pulitiko na sumusuporta sa kanya sa Albay subalit sa Luzon ay meron. Owwwwww? Kalokohan! Lumalalim ang kaguluhan sa jueteng sa Albay kahit abot-langit pa ang pagsisigaw ni Rosal na wala s’yang kinalaman dito. Pero iginigiit ni Kap Nimo na kailangan ang basbas ng governor bago umpisahan ang isang jueteng operation. Teka, teka! Totoo kaya ang L-300 na “goodwill? Abangan!
- Latest















