Editoryal — Patuloy ang daloy ng illegal drugs
MAHIGIT 521 kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat sa Laos at nakatakda sanang dalhin sa Pilipinas sakay ng private jet. Ayon sa PDEA, dalawang Pilipino ang iniimbestigahan kaugnay ng operasyon, kabilang ang isa na umano’y nagbayad para sa chartered aircraft.
Hindi lang ito simpleng kaso ng courier na may dalang droga sa bagahe. Kapag private jet, international routes, bank transfers at posibleng transnational syndicate na ang sangkot, malinaw na mas malaki ang problemang kailangang habulin. Sinabi rin ng PDEA na tinitingnan nito ang posibleng koneksiyon sa Sam Gor, isang international criminal group na sangkot umano sa illegal drug trade sa rehiyon.
Bukod dito, may isa pang malaking shipment na nasabat sa Thailand na iniulat ding patungo sana sa Pilipinas.
Kaya hindi sapat na ang anti-drug campaign ay nasusukat lamang sa rami ng nahuhuling runner, street dealer o users.
Mas mahalagang tanungin: sino ang nagpopondo, sino ang nag-aayos ng biyahe, sino ang tumatanggap ng shipment, at saan dumadaan ang pera?
Kung international syndicate ang kalaban, kailangang sundan ang buong supply chain, mula sa pinagmulan ng droga hanggang sa transportasyon, ports at airports, financial transactions at mga contact sa loob ng bansa.
Mahalaga rin ang intelligence-sharing sa ibang bansa, dahil sa kasong ito, naharang ang shipment bago pa ito makarating sa Pilipinas.
At dito dapat makita ang sukatan ng isang epektibong drug campaign: hindi kung gaano karaming tao ang nahuli sa kalsada, kundi kung gaano karaming malalaking operasyon ang naputol bago pa kumalat ang droga sa mga komunidad.
Hindi pa sapat ang mga kasong ito para sabihing naging regional drug hub na ang Pilipinas.
Pero sapat na itong babala para seryosohin ang posibleng local links ng international syndicates.
Kung gusto talagang bawasan ang illegal drugs, huwag lang hulihin ang nasa dulo ng operasyon.
Mas maganda kung hahanapin at puputulin ang network na nagpapadala, nagpopondo at kumikita rito. Sa paraang ito tiyak na mapipigil ang pagdagsa ng shabu sa bansa.
Nararapat nang mapigil ang walang tigil na daloy ng droga at nagiging santuwaryo na ng drug syndicates ang bansa. Noon pa, ginagawa nang transhipment ng droga ang Pilipinas dahil alam ng mga “salot” na sindikato na maaring bayaran ang mga korap na awtoridad para makalusot sa batas.
- Latest















